Hulyo

July 5, 2009

Akalain mo yun, Hulyo na. Parang kailan lang bakasyon pa. Tapos pinahaba pa ng isang linggo dahil sa sikat na sakit ngayon. At nagpasukan na. Nagsimula na ang kalbaryo. Parang kailan lang mag-isa pa ako dito sa bahay. Ngayon, mag-isa na naman dahil hindi pa umuuwi ang mga kasambahay ko.

Akalain mo yun, Hulyo na. Tapos na ang Hunyo. Tapos na ang isang buwang selebrasyon ng kaarawan ko. Selebrasyon daw kuno eh mas maraming oras pa akong mag-isa kaysa sa mga oras na may kasama. Kahit may kasama ay wala namang kausap. Selebrasyon daw kuno. Pero kung tutuusin, mas masaya naman ako ngayong taon kaysa noong nakaraan. Paano, kasama ko nga ang pamilya ko, di ko naman kasama ang mga kaibigan ko. Ngayong taon, kasama ko nga ang mga kaibigan ko, di ko naman kasama ang mga pamilya ko. Bakit kailangang pumili? Ewan. Hindi naman ako pumili eh. Ganoon lang talaga. Dulot ng mga sirkumstansyang hindi ko kayang baguhin o kontrolin.

Akala mo, nakukuha ko ang lahat ng gusto ko? Mga materyal na bagay, oo. Hindi naman ako maarte eh. Hindi mahalaga kung magkano ang isang bagay. Hindi rin kami mayaman. Wala akong perang pambili ng mga mamahaling bagay. Kaya hindi ako naghahangad ng mga mamahalin. Syempre sa pangarap, oo. Pero pangarap lang naman yun, at masyado akong praktikal para isiping ganoon kadaling matupad ang mga pangarap. **Dahil hindi ako naghahangad ng mamahalin o ng mga bagay na alam kong hindi sakop ng kakayahan ko, nakukuha ko ang lahat ng gusto kong materyal na bagay.

Pero napakahirap makuha ng mga gusto kong hindi materyal. Pinaghihirapan at pinagsisikapan. Magulo ako. Minsan kahit anong mangyari hindi ako susuko. Minsan naman sa sobrang hirap kunin, hahayaan ko na lang. Naiisip ko kasi na kailangang ibigay ang lahat hanggang magtagumpay. Naiisip ko rin naman na napakaikli ng buhay kaya dapat itong sulitin sa pagiging masaya.

Ano nga ba ang masaya? Ang kaligayahan? Tulad ng pag-ibig, napakalabo ng konseptong ito. Walang taong tunay na masaya sa buhay niya. Kahit na ang pinakamalinis, pinakamabait at pinakamapagbigay na tao ay hindi nakararating sa rurok ng kakuntentuhan at kasayahan. Naiisip ko na lang, hindi man ako tunay na masaya sa buhay ko, may mga oras naman na sobra at tunay ang kasayahan ko. Maaaring isang minuto, isang oras, o sampung segundo. Kaya bagamat mas marami ang problema at lungkot, nagpapasalamat pa rin ako sa mga kaunting oras ng saya na iyon.

Napakadaling maging bata. Hindi totoo na walang inaalala ang isang bata. Naalala ko noong pitong taong gulang ako. Lalabas ako sa labas ng gate namin sa may kalsada sa gabi upang hintayin ang mommy ko. Sinasalubong ng tingin ang mga kumukutitap na mga ilaw ng mga sasakyan. Nag-aalala ako sa kanya. Gabi na kasi at lahat kami ay nakauwi na. Ngunit siya ay wala pa. Hindi ko alam kung kailan iyon tumigil. Basta makalipas ang dalawang taon, hindi ko na iyon nagagawa. Hanggang sa isang gabi, umalis sila. Kinabukasan ay wala na siyang buhay nang iuwi.

Napakadaling maging bata. Madaling maging masaya. Madaling maging malungkot. Mabilis din mawala ang lungkot. Iyan ang isa sa hindi ko binibitiwan sa pagkabata. Madali akong maging masaya, malungkot, magalit, ngunit madali ring mawala ang mga emosyong iyon at mapalitan ng iba. Napakadaling yanigin ng mundo ng isang bata. Ngunit ang isang bata, anumang pagyanig sa mundo niya ang gawin mo, hinding-hindi siya bibitiw sa buhay niya. Hinding-hindi siya susuko.

Hindi na ako bata. Gusto ko nang sumuko.

*Naudlot na sanaysay na sinimulan noong Biyernes ng gabi.
**Simula ng karugtong ng nasimulan noong Biyernes ng gabi.
***Linggo ng umaga sinumulang tapusin at tinapos.

3 Responses to “Hulyo”

  1. KB said

    “Tulad ng pagibig…”

    Medyo napangiti lang naman ako sa pagkakasulat mo. Hindi ko alam kung dahil tingin ko’y nagpapakasenti ka o talagang hindi lang ako sanay na magTagalog ka. Hindi ko ma-imagine na nagsasalita ka sa purong Tagalog.

    Ganon?! Sabagay, hindi na nga ako nakikipag-usap gamit ang purong Tagalog, dulot na rin ng kasalukuyang kultura. Ngayong sa tingin ko ay nahasa ko na ang aking Ingles, oras na pala balikan ang Tagalog. Para piliting ibalik ang Filipino ko noong nasa mataas na paaralan pa tayo. Babasahin ko na nga si GEM. T_T Kapag nagkaoras.

  2. KB said

    Pati ba naman sa pagkokomento ay purong Tagalog?!

    Kung gusto mo ng oras,

    marami akong maibibigay sa’yo.

    amp. wahaha.

    syempre, ganon talaga.
    kung tutuusin ay marami akong oras. wala na lang talaga akong panahong magbasa ng hindi kasama sa asignatura. minsan, nakakapagod na ring magbasa kung puro basa na lang ang ginagawa mo. isa pa, nauubos ang panahon ko sa pag-iisip.

  3. KB said

    Masyado ka ngang abala sa ibang bagay. Hindi ko na alam kung paano ka makakausap tungkol ng walang halong pulitika. Nitong mga nakalipas na araw, kung hindi iyon ang pag-uusapan nating tatlo, parang walang kabuluhan.

    Dito pa ako nagdrama?! >.<

    ewan ko sa’yo. hindi naman kaya. bago pa lang kasi kaya mainit pa ang usapin. at kailan ba hindi naging mainit ang usapin ng pulitika? lalo pa sa ganitong kalagayan ng bansa natin. bakit kailangang mag-alinlangan? di magbukas ka ng usapan tungkol sa ibang bagay. para namang susuplahin ka kapag ibang paksa ang sinabi mo.

Leave a Reply