Para sa Panahong Tulad Nito
October 6, 2009
Dalawang bagay lang: *** at Para kanino?
Matandaan, maintindihan, maisabuhay mo lang ang dalawang iyan, mauunawaan mo na ang lahat. Liliit na ang personal mong problema dahil matatabunan ng pangkalahatang problema.
Dapat pupunta ako sa diskurso noong nakaraang Linggo. Nakapunta naman ako. Bagama’t huli na sa itinakdang oras, pangalawa pa rin ako sa naunang dumating. Ilang minuto pa, nagsidatingan ang mga magiging kamag-aral ko. Napagkwentuhan namin ang nangyari kahapon (bale noong isang Sabado). Mga taga-KNL din pala ang dalawa sa kanila, kaya napag-usapan namin ang kawalan ng kuryente at ang pare-pareho kaming pagkagalak na naibalik din kaagad iyon.
Sa ispontanyo nating pagkilos tayo natututo, sabi nga.
Sinabi na imbes na mag-aral, tumulong na lamang kami sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Walang kaso; mas mapagkukunan naman ng aral ang paglubog sa ****. Ni hindi ko naisip na ang susunod na linggo ay magiging hindi lamang paglubog kundi tuluyang paglublob.
Nagsimula kami sa primarya: mga komunidad sa loob ng UP. Napakalaki. Napakarami. Nakatutuwa na sa bawat araw na lumilipas ay parami nang parami ang dumarating na tulong, mga pagkain, damit, at pati taong naglalaan ng oras at nagpapagod para tumulong sa iba. Nakatutuwa na nandoon ako para masaksihan ang pagtaas ng kamalayan ng mas maraming tao. Nakakatuwa na nakasama ako sa pagtulong mula sa unang araw.
Hindi ako nagbigay ng damit o pagkain. Wala naman akong maibibigay dahil ang mga damit ko ay ang mga damit na iniuwi ko mula Amerika, na kakaunti, at ang mga damit na binili ko dito, na kakaunti rin. Wala rin akong maibibigay na pagkain dahil wala namang suplay ng pagkain dito sa bahay. Bumibili na lamang ako ng mga plastic na lalagyan nga mga damit na ipamimigay. Iniinda ang pagod at gutom habang tumutulong sa kapwa. Isinasantabi ang pagkamaselan sa mabaho o madumi. Hindi alintana ang init at ang putik. Naisip ko na mas makabubuting lakas at simpatya ang ibigay ko.
Hindi ko na iisa-isahin ang mga komunidad na natulungan namin at ang kalagayan nila. Kung may pakialam ka, alam mo na kung ano ang kalagayan nila: hindi naabot ng media, at hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno. Mga mahihirap na lugar bago pa man bahain. Hindi iilan ang mga komunidad na nagsabi sa amin na kami ang unang grupo na nagbigay ng tulong sa kanila. Kung hindi ako kasapi ng organisasyon, wala siguro akong gagawin bagama’t may pakialam. Iba kasi ang nakikialam sa may pakialam. Mas may nagagawa ang nakikialam.
Sa buong linggo ng aking pagtulong, araw-araw akong umaalis ng umaga at umuuwi ng hatinggabi. May naghahatid naman sa akin pauwi kaya hindi ako nag-aalala. Mga taong ni hindi ko kilala ilang araw na ang nakakaraan, ngunit mga kaibigan na ang turing matapos lamang ang isa, dalawang araw na pagkakasama. Marahil ay dahil sa prinsipyo ng organisasyon kaya ganoon kalaki ang tiwala namin sa isa’t isa.
Ang ilan sa mga kamag-aral ko dapat sa ED na naudlot ay naging kasa-kasama ko sa pagkilos sa buong linggo. Ang isa ay sumama sa bahay at nakitulog bagama’t dito din lang sa KNL nakatira. Noong nakaraang Linggo, ni hindi ko maiisip na magiging kampante ako sa kanila, na makakabiruan ko sila. Noong nakaraang Linggo, ilang pa ako sa kanila. Bago kasi ako, at nawala pa ng isang taon kaya’t kakaunti ang kilala. Pero isang linggo lang pala, wasak na ang pader. Nagluluto kami sa kusina ng baranggay, at salu-salong kumakain. “Sardinas, para maiba naman,” ang palaging biro. Noon na lang ako ulit nakakain sa isang hapag kasama ang maraming tao. Kailan ba ang huli? Noong nasa probinsya ako.
Maraming nawalan sa unos na dumaan. Ngunit marami ring nagkaroon, hindi man materyal na bagay. Itinuturing kong napakapalad ko. Hindi nasalanta ang aking pamilya. At sa isang linggong pagtulong, nagkaroon pa ako ng maraming kaibigan. Napagtibay ang mga pagkakaibigang buo na. Naunawaan pa ang kalagayan ng mayorya ng populasyon. Akala ko alam ko na, pero hindi pa pala. Pagkat hindi mo tunay na maiintindihan kung hindi mo nakikita, naririnig, naaamoy at nararamdaman.
“Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung di tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa?“